Image Credits: Unsplash
Isa na ata sa maituturing na mahirap isulat ang napakalawak na kategoryang “Non-Fiction” sa mga manunulat kung ikaw ay hindi pa masyadong maalam sa panitikang ito. Kaibahan ng Fiction, ang Non- Fiction ay tumutukoy sa panitikan na batay sa katotohanan. Umiikot siya sa mga impormasyong makakatulong, makakapagpa-alam at makakapagbukas sa tunay na kaganapang nangyari sa mundo. Kung ang isang libro ay hindi nakaugat sa isang gawa-gawang kuwento at kathang isip, kung gayon ito ay masasabing Non-Fiction. Ang pagsulat ng non-fiction ay maaaring batay sa kasaysayan at talambuhay, sa pagtuturo, mag-alok ng komentaryo, katatawanan, at maaari itong pag-isipan ang mga tanong na pilosopikal. Ang mga karaniwang pampanitikang halimbawa ng nonfiction ay kinabibilangan ng mga piraso ng ekspositori, argumentative, at opinyon. Samantala, ang pinaka alam natin sa lahat ay ang mga sanaysay sa sining at panitikan; talambuhay; mga alaala; pamamahayag; at makasaysayan, siyentipiko, teknikal, o pang-ekonomiyang mga sulatin.
Ang tanong, kaya ka ba narito ay para makasagap ng kaalaman sa pagsusulat ng nonfiction? Kung gayon, ako na ang nagsasabi sa'yo; nagsisimula ka mang mag-explore sa pagsusulat ng sanaysay o ikaw ay isang batikang mamamahayag na naghahanap ng ilang inspirasyon. Ang pag-aaral kung paano gumawa ng isang nonfiction na kuwento ay nangangailangan ng oras, pasensya at interes. Hindi ito baooiista basta mabilis na natututunan, kailangan ng malalimang pag-unawa sa pag-gawa nito.
Ang pagpapahusay sa iyong pagsusulat ng nonfiction ay malaking tulong sa iyo kung nagsusulat ka ng memo para sa trabaho, magme-mensahe sa email, paghahanda ng isang panukala sa negosyo, nagsusulat ng mensahe sa blog, humihingi ng grant sa inyong boss at marami pang iba. Tunay ngang labas sa malikhaing pag-iiisip ang nonfiction sapagkat magagamit mo ito sa pang araw araw na buhay.
Sa ibaba ay makakahanap ka ng Labing Lima (15) na tip base sa aking kaalaman upang mapabuti ang iyong pagsusulat ng nonfiction. Maaari mo itong gamitin upang gabay sa nonfiction na isinusulat mo.
1. Alamin Ang Dahilan Kung Bakit Ka Nagsusulat
Bakit ka nga ba nagsusulat? Sa tuwing uupo ka ba para magsulat ng isang bagay ay ginagawa mo ito upang magpasya sa iyong sinasabing layunin, o layunin mo lamang ito bilang isang manunulat? Ano nga ba ang inaasahan mong makamit sa sanaysay, post sa blog, libro o liham na ginagawa mo? Tingnan sa mga sumusunod upang masagot ang mga tanong na ito: Ang iyong layunin ba ay ipaalam o ipaliwanag ang isang ideya na hindi pa batid ng lahat? Gusto mo bang magpalawig ng isang kaalaman at katotohan kaya ka nagpapatuloy sa pagsusulat? Sinusubukan mo bang hikayatin ang iyong mga mambabasa na gumawa ng isang partikular na aksyon? Ang layunin mo ba ay libangin o pasayahin ang iyong mga mambabasa? Pagkatapos tanungin ang sarili ay mahahanap mo ang isa sa mahalagang dahilan kung bakit mo napili ang kategoryang nonfiction.
2. Bumuo ng Sariling Boses at Pananaw ng Hindi Bumabase sa Iba
Ang pagbuo ng iyong sariling boses ay magpapakila sa iyo at sa iyong pagsusulat. Gayundin, ang paghahanap at pagbuo ng iyong sariling boses ay ang pinakamahusay na paraan upang makakuha ka ng tapat na base ng mga gusto mong ipahayag lalo na para sa iyong mga mambabasa. Ang iyong matingkad na boses sa pagsusulat ay binubuo ng mga sumusunod: ang bawat salitang iyong gagamitin; ang pagpili sa mga salitang iyong ilalagay; paraan kung paano mo ipapagtabi at ipagsa sama-sama ang iyong mga salita; ang iyong pananaw; paningin sa mundo at pagkakaroon ng isang mahusay at polidong opinyon.
3. Bumasa ng mga Mahuhusay na Manunulat
Pinaka importante sa lahat ng manunulat ang magbasa. Halos lahat ng artikulong mababasa mo kung paano pagbutihin ang iyong pagsusulat ay magsisimula sa pagbabasa. Para maging isang magaling na manunulat, magbasa ng mahuhusay na manunulat. Ang mabuting pagsulat ay hindi posible nang walang pagbabasa. Habang nagbabasa ay marami kang natututunan at nababagong bagong mga salita. Magbasa nang magbasa upang makuha ang mga sumusunod na dahilan:
Una, para sa inspirasyong magsulat. Pangalawa, upang mapalayog ang sining ng wika. Tatlo, upang matutunan ang mga epektibong pamamaraan sa pagsulat. Ang tamang timpla, naiintindihan ang gusto mong ipahayag.
At pang-apat, magbasa ka upang pahalagahan ang mga hindi masyadong gamit na mga salita at maunawaan kung kailan ito ginagamit..
4. Magtiwala sa Pagsusulat
Isa sa pinakamahalagang meron ang bawat manunulat ay ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili at sa akdang iyong ginagawa. Siyempre ay normal naman talagang mangapa tuwing bagong salta sa pagsusulat ngunit hindi dapat nawawalan ng tiwala kung hindi ito ganoong pumatok. Dapat ay sumulat ka lamang na iwanan ang lahat ng iyong mga pagdududa sa sarili at magkaroon ng kabuuang pagpapahalaga sa iyong ginagawa. Sapagkat hindi ka lalago bilang manunulat kung mismo ang sarili mo ay nagdududa sa bawat salitang ginagamit mo para sa panitikang nonfiction.
5. Gumawa ng Iskedyul sa Pagsusulat
Isa na ito sa bawat tip tuwing ikaw ay gustong makilala bilang manunulat sa kahit anong pampanitikan. Nagiging mas mahusay kang manunulat sa pamamagitan ng pagsusulat. Umuusbong ang munti mong kaalaman tuwing sasanayin mo ang sarili na makapagsulat sa sapat na oras araw araw. Ugaliing gumawa ng isang tiyak na bilang ng mga salita nang regular. Magtakda ng iskedyul para sa pagsusulat at manatili dito. Panghawakan mo ang kaalaman sa pagsusulat at hayaang umalam ng panibagong kaalaman tuwing gagawin ito. Ugaliing sanayin ang sarili sa pagsusulat at sa bilang ng mga salita na balak mong gawin para sa mga araw na magsusulat ka.
6. Maging Maalam sa Iyong Paksa
Ang isa sa mga pinakamahusay na paraan upang magsulat nang may awtoridad ay ang pagiging bihasa sa iyong paksa. Kailangan ay alam mo ang layunin mo, kung bakit mo isunulat ang paksang iyan at bakit gusto mong palawigin Tanungin ang iyong sarili kung sapat na ba ang iyong nalalaman tungkol sa paksa upang maisulat ito nang naaayon. H’wag kalimutang hindi magsaliksik bago umpisahan ang binabalak sulatin. Kung hindi mo gagawin, hindi magiging epektibo ang iyong paksa sapagkat ikaw mismo ay hindi pa gamay ang kaalaman dito.
7. Magpakatotoo sa sarili mo
Bilang manunulat, dapat ay natural lamang ang iyong ginagawa lalo na sa pag susulat ng nonfiction. Dapat ay ramdam ng mambabasa kung ano ang pinupunto mo bilang manunulat, katiwa-tiwala kang pagkatiwalaan at paniwalaan. Itinuturo ni Zinsser na gusto ng mga mambabasa na maging totoo ang taong nakikipag-usap sa kanila. Samakatuwid, ang isang pangunahing tuntunin sa pagsusulat lalo na sa nonfiction ay ang maging iyong sarili. Magpakatotoo ka kung sino ka man.
Si William Knowlton Zinsser ay isang Amerikanong manunulat, editor, kritiko sa panitikan, at guro. Sinimulan niya ang kanyang karera bilang isang mamamahayag para sa New York Herald Tribune, kung saan nagtrabaho siya bilang isang tampok na manunulat, editor ng drama, kritiko ng pelikula at manunulat ng editoryal. Siya ay matagal nang nag-ambag sa mga nangungunang magazine. Marami siyang alam at subok na ang kanyang kaalaman sa pag-susulat kaya naman ang kanyang mga payo ay lubos na pinanghahawakan ng ibang manunulat din kagaya niya.
8. Gumawa ng Listahan sa Mga Paksang Gusto Mong Malaman
Kapag nagsusulat ka at may isang bagay na hindi ka sigurado, hanapin ito. Kung may mga bagay kang gustong malaman o gustong palawigin ang kaalaman mo rito ay ilista mo. Ilista mo sila upang kung may libre kang oras ay maiisa isa mo silang babasahin at aalamin. Para sa kaginhawahan, kolektahin ang pinakamahusay na mga sanggunian sa grammar. Maaari kang magsimula sa mga aklat na ito at isunod ang mga malalalimang paksa.
9. Sumulat ka ng Balangkas
Simula pa lamang, sa lahat ng panitikang pagsusulat; nirerekomenda na palagi kang magsimula sa pamamagitan ng pagsulat ng isang balangkas. Ang isang balangkas ay isang plano ng aksyong pangkaisipan, at lahat ng mga pagsisikap ng tao ay nangangailangan ng isang plano. Ipinahihiwatig ng balangkas ang pangunahing pagka-kasunod ng isang akda. Ginagamit ito upang ipaalam ang magiging daloy ng iyong susulating paksa. Dito mababatid ang iyong ipapakita, ilalahad, at pagkatapos ay kung paano mo ipapahayag ang isang konklusyon.
10. Maging isang Kritikal na Mambabasa
Maging mapagmatyag na mambabasa. Bawat salita at bawat gamit ay nararapat mong obserbahan kung paano siya ginamit. Gayunpaman, sa halip na magbasa nang pasibo, dapat kang magbasa nang kritikal. Ibig sabihin, kapag nagbabasa ka, laging maging alerto sa kung ano ang gumagana, at kung ano ang hindi. Dapat ay bukas ka sa kritisismo at alam mo kung paano ito ginagamit sa tamang paaran. Dito, sa una palang kung magaling kang isang kritikal na mambabasa, alam mo na rin kung paano mo titignan ang sarili mong akda. Walang kinikilingang kahit ano, inaalam lamang ang bawat takbo ng salita, paniniwala at mga layunin ng isang manunulat.
11. Sumulat Mula sa Iyong Mga Katanungan
Magsulat ka nang direkta mula sa iyong mga katanungan at sa mga bagay na wala ka pang kamalayan. Sa paraang ito ay maski sarili ko ay hindi na mamamalayan kung ano na ang matatapos mo habang ang mga salita ay dumating sa iyo. Ang balangkas na inihanda mo bago ka magsimulang magsulat ay gagabay sa iyong hindi malay na pag-iisip sa naturang paksa. Samakatuwid, hindi na kailangang gamitin ang iyong malay-tao na isip habang nagsusulat ka; payagan lamang ang mga salita na awtomatikong dumaloy. Mamaya, kapag tapos na ang unang draft, magagamit mo ang iyong kaalaman para i-edit ang iyong sinulat. Tuwing tayo ay may mga katanungan at hindi mga malay na bagay, mas nae-enganyo tayong magpatuloy upang alamin ang lahat ng ito.
12. Gumawa ng Daloy sa Iyong Pagsusulat
Ang iyong pagsulat ay dapat na dumaloy nang maayos at patuloy na magpatuloy: ang bawat talata ay dapat na bumuo ng lohikal mula sa nauna. Hindi dapat humihinto o di kaya ay dumadagdag sa hindi angkop na talata. Bilang karagdagan, ang bawat talata ay dapat na nauugnay sa pangunahing ideya ng sanaysay o anuman ang iyong isinusulat. Hindi dapat lumalabas sa ibang paksa ang talata mo at dapat alam mo rin kung nasaan ang pokus nito. Sapagkat ang pagsusulat ng nonfiction ay isang seryosong gawain kaya nararapat lamang na kung ano ang nasimulan mo ay doon din dapat mawawakas.
13. Sumulat ng Makabuluhang Talata
Ang mga talata ay ang pangunahing pundasyon ng anumang isusulat mo. Ang talata ay isang pangkat ng mga pangungusap na nakaayos sa isang pangunahing paksa. Sa makatutal, ang isang talata ay isang serye ng mga pangungusap na nakaayos, magkakaugnay, at lahat ay may kaugnayan sa isang paksa. Mahalaga ito sa pag-aayos ng isang gawain ng manunulat. Narito ang ilang pangunahing tuntunin kapag nagsusulat ng mga talata: Una, tumutok sa isang ideya sa bawat talata. Iwasan ang paglalagay ng mga hindi importanteng impormasyon. At pangalawa, ang bawat talata ay dapat magkaroon ng paksang pangungusap na nagpapahayag ng nag-iisang, sumusuportang ideya ng talata. Ang lahat dapat ng mailalagay dito ay konektado sa paksang iyong pinili paraan upang hindi magawang bitawan ng mga mambabasa. Ang mga sumusuportang pangungusap ng talata ay nagbibigay ng mga malalalim na detalye, halimbawa, at mga tagubilin na konektado sa nasabing paksa. Bukod pa rito, nararapat na mayroong malinaw na mga paglipat mula sa isang talata patungo sa susunod upang mas sundan at basahin pa ng mga mambabasa.
14. Gumamit ng Wastong Bantas
Kahit saan tayo magpunta; tuwing tayo’y nakikipag-usap, nag-iisip at nagbabasa ay normal lamang na gamitin natin sa wasto ang mga bantas. Sapagkat kapag nagsasalita tayo, maaari tayong huminto, ,baguhin ang ating tono ng boses o di kaya ang matigilan muna para iwasan ang pagkakautal. Siyempre, tuwing nagsusulat tayo, kailangan din nating umasa sa mga bantas upang linawin ang ating ibig sabihin. Para mas ramdam ng mga mambasa kung paano natin sila sinasabi sa ating isipan bago isulat. Apat sa pinaka-hindi naiintindihan na mga bantas ay ang mga sumusunod: semicolon; colon; gitling; at kuwit. Kaya bilang isang umuusbong na manunulat, kailangan mong alamin ang mga gamit nito para mas mapalawig pa ang nais mong ipahayag sa inyong mga mambabasa. Ang Bantas ang nagpaparamdam sa kanila kung ano ang gusto nating ipahayag sa ating mga isinusulat kaya naman, nararapat lamang na gamitin ito sa wastong paraan.
15. Huwag Kalimutang I-Edit Ang Gawa
Ito na ata ang pinaka masarap sa lahat ng mga manunulat. Ang huling hakbang ng kanilang paghihirap. Bilang isang manunulat na naranasan ding mag edit ng ilang nobelang nagawa, narito ang ilang tip kong alam sa pag-edit:
Una, kapag tapos ka nang magsulat, isantabi muna ito at magpalipas oras. Gumawa ka muna ng iba at maghintay ng linggo para rito. Pangalawa, pagkatapos nang paghihintay ay bumalik ka rito at basahin ito, na nagpapanggap na hindi mo pa ito nabasa. Pangatlo, suriin kung may mga pagkakamali sa grammar at spelling. Basahin ang iyong sinulat nang malakas at hindi iniisip na ikaw ang may akda nito. Papayagan ka nitong marinig ang mga problema na hindi mo nakikita. At pang huli, ang proofreading ay ang huling yugto ng proseso ng pag-edit. Base sa Google, ang proofreading ay tumutuon sa mga error sa ibabaw gaya ng mga maling spelling at mga pagkakamali sa grammar at bantas. Dapat mong i-proofread lamang pagkatapos mong matapos ang lahat ng iyong iba pang mga rebisyon sa pag-edit.
Ang nonfiction ay napakalawak na panitikan sa pagsusulat. Napakalawak nito kagaya rin kung paano natin ito matututunan. Nawa’y may natutunan kayo sa Labing Limang (15) mahahalagang Tips na alam at binahagi ko ngayon. Ipagpatuloy ang pagsusulat at tignan ang malaking kaibahang nagagawa mo araw araw. Padayon, manunulat!
Comments